Thursday, January 8, 2009

Transit Café

Noong nakaraang Miyerkules, ika-10 ng Setyembre, ay nagkaroon ako ng oportunidad na makapanuod ng isang Iranian film. Bagamat hindi na ito bago sa aking pandinig, medyo nanibago pa rin ako sa aking napanuod. Sa hayskul ay akin nang napag-aralan ang mga Iranian films. Sa aking pagkakaalam, ukol sa sibil at gera ang ganitong mga palabas, hindi pala lahat.
Ang Transit Café ay tungkol sa isang biyuda, si Reyhan, na nagnais tumayo sa kanyang sariling paa. Isinantabi niya ang tradisyong Persyano at binuhay ang sariling pamilya. Dapat sana’y aakuin ng kapatid ng kanyang namatay na asawang si Ismael ang responsibilidad ngunit tinanggihan niya ang pagpapakasal dito.
Isa pa sa mga bagay na ipinagsawalang bahala ni Reyhan ay ang pagbubukas ng naiwang restawran ng kanyang lumipas na na asawa. Hindi naaangkop para sa isang babae ang magtrabaho sa labas ng bahay at lalo na ang magpatakbo ng isang negosyo. Sa paglipas ng panahon, ipinasara ni Nasser, kapatid ni Ismael, ang restawran ni Reyhan. Sa katapusan ng pelikula’y ipinakita si Reyhan na naghahanap ng trabaho sa ibang lugar.
Ang iba pang karakter na gumanap sa buhay ni Reyhan ay ang kanyang dalawang anak, na pilit sinusuyo ni Nasser, at ang kanyang kapatid na lalaki na tumulong sa kanya sa restawran. Isa pa sa mga natatanging karakter ay ang Griyegong si Zakario na nagkaroon ng pagtingin kay Reyhan at napalapit sa dalawa nitong anak. Ang husay sa pagluluto ni Reyhan ang nagsimula ng lahat. Sa katapusan ay tinanggihan ni Reyhan ang alok nitong magpakasal sa kanya. Ang huli ay si Evrieta, isang Rusyano na napadpad sa Iran sa paghahanap niya ng katahimikan mula sa mga nagaganap na gyerahan.
Mula sa napanuod kong pelikula ay marami akong natutuhan patungkol sa tradisyon at kultura ng Iran. Ang pinakamalaking impact ng palabas na ito sa akin ay ang feminist empowerment. Sabihin man nating mali talaga ang ginawa ni Reyhan, isa pa rin itong eye-opener para sa lahat patungkol sa diskriminasyon sa kababaihan. May isa lang siguro akong hindi nagustuhan sa kanyang mga ginawa, pinabayaan niya na lang ang dalagang Rusyano sa sarili nito pagkatapos niyang ikulong ng matagal. Kung tutuusin ay wala pang malay si Evrieta sa Iran, ang natutuhan niya lamang ay ang pagluluto at ilan pang mga gawaing bahay. Para sa akin, mas naging tama siguro ang ginawa ni Reyhan kung siniguro niya ang patutunguhan ng dalaga.
Ukol naman kay Nasser, marami rin siyang ginawang hindi maganda sa paningin. Isa dito ay ang pagputol niya ng hinahabi ni Sara, panganay na anak ni Reyhan, sa isang pagawaan. Malaki ang mensahe na ipinarating nito sa bata, ngunit hindi ito yung mensaheng nais niyang iparating. Kung tutuusin ay may dahilan naman si Nasser para sa lahat ng kanyang mga aksyon. Hindi naman talaga pangit ang nais niyang idulot sa pamilya ni Reyhan. Sa katunayan pa nga, sa simula ay marami pa siyang dinadalang regalo para kina Reyhan. Nagbago na lamang ang lahat ng maiparating na ni Reyhan sa kanya na wala nga siyang balak magpakasal kay Nasser.
Sa kabuuan, maganda ang tema ng pelikula. Hindi ako masyadong nagandahan, at mababa rin ang kalidad kung technicalities ang pag-uusapan. Ang Transit Café sa aking palagay, ay isang panaginip na naghihintay maganap sa katotohanan. Isa itong pangarap, lalo na ng mga kababaihan, na nagnanais ilabas ang talento at independence na mayroon ang bawat babae.

No comments:

Post a Comment